Be a SMART stock investor guided by 8 top stockbrokers! (size 468x60)

Saturday, October 13, 2012

ANG KWENTO NG ISANG EPS WORKER SA KOREA






Ako po ay isang EPS worker, magaanim na buwan na dito sa bansang Korea. Pangalawang pagkakataon ko na itong makapagtrabaho sa bansang ito o mas kilala kami sa tawag na ex-Korea.



Itong ibabahagi ko po ay tungkol sa nangyari sa estado ng buhay pinansyal ko. Lahat naman po tayo, ang dahila kung kaya nandito sa malayong lugar na ito ay ang magkaroon naman ng mas magandang sweldo. Lahat din naman siguro ay inisip na pag nakatanggap na tayo ng sahod ay mag iipon tayo para pag-uwi ay di na kailangan bumalik pa at magpakahirap dito.




Taong 2006, buwan ng Enero ang una kong tapak dito. Sobrang lamig noon, di man umuulan ng niyebe nung kami ay dumating ay napakalamig pa din. Iba ang simoy ng hangin, akala mo ay bumabaon hindi lang sa balat kundi sa buong kalamnan. Ang unang 3 araw ay di gaanong alintana sapagkat maganda naman ang tulugan at nasa loob pa ng kwarto ang paliguan. Ito po ang dalawang araw sa training center.



Ikatlong araw, araw ng sundo, lahat kami excited. Pangatlo sa mga sumundo ay kami ng dalawa kong kasama ang tinawag. Isang lalaki at isang babae ang sumundo na inakala namin na mag-asawang may ari ng papasukan naming kumpany. Noong dumating kami sa factory, napaisip ako nang pagpasok ko ay parang isang simpleng pagawaan lang naman pala ang dadatnan namin. Ang ding ding ay gawa sa yero, pumasok sa isip ko talyer lang pero naghahanap ng dayuhang empleyado.



Dinala kami ng sumundo sa amin sa loob ng opisina, pinakilala kami sa Kongjangjang namin. Hindi pala sila ang may ari, sambit ko sa dalawa kong kasamahan. Pagkatapos ay hinanap ang magiging kasama naming pinoy na noo'y artista na o mas kilala natin sa tawag na TNT. Ipinaliwanag noong kasamahan namin na ang ginagawa namin ay parte ng BackHoe o Poclain. Pagkatapos ay tinanong kung ano ang kakainin namin, at porke't pare-pareho kaming walang alam kaya ang TNT na ang pinapili namin.



Noong pagkatapos ng aming kainan, dinala na kami ng kasama namin sa tutulugan namin. Isang container van. Noon sa kwento ko lang naririnig na container van ang tirahan ng ibang empleyado at malamig daw yun masyado pag winter. Nasabi ko sa sarili ko, ok lang naman ito kasi di naman tulad ng bahay ko sa Pinas na tumutulo ang bubong. Pagdating ng oras ng pagtulog, unang gabi sa container doon ko naramdaman ang sinasabi nilang grabeng lamig. Nagpatong patong ang damit ko, isang t-shirt, 2 sweat shirt ang gamit ko malamig pa din. Nag bonnet pa ako dahil masakit sa ulo ang lamig na nagmumula sa ding ding.



Mabuti nalang at ang kama ay may nakahandang heater na bagong bago na inihanda ng employer namin. Pero sa mga gilid, talagang mararamdaman mo talaga ang lamig na manunuot sa kalamnan. Sinasabayan namin ng 2 heater para pantanggal sa lamig pero parang nag aagaw ang lamig at init sa mga balat ko. Ito ba ang tinatawag nilang matinding sakripisyo? Iyon ang pumasok noong unang gabi ng pagtulog ko sa container na yaon.



Kinabukasan, araw ng sabado, naghanda ng almusal ang kasamahan namin. Pritong tuyo at sinabayan ng itlog na maalat at kamatis. Ito na ang pinakamasarap na pagkain sa loob ng 4 na araw. Pagkatapos ng kainan, ipinasa sa amin ang tig iisang walis. Tinuro sa amin ang mga dapat gawin bago mag umpisa ang trabaho. Alas otso ang oras ng trabaho, alas siyete-kwarenta ay dapat makapag umpisa na kaming maglinis. Unang araw, unang reklamo narinig ko sa isa sa mga kasamahan ko. factory work daw inaplayan nya, janitor  lang pala hinahanap nila at pagkaaga aga pa daw ang umpisa. Natawa ako pero sa hindi ko pinahayag ang nasa loob ko. Naisip ko noon, sa Pinas kung ang trabaho ko ay alas otso, alas singko y media palang kelangan ko nang gumising para alas sais ay makaalis na.



Sumunod sa paglilinis, ipinakilala na kami sa mga magiging kasama naming Koreano. Medyo maganda naman ang bati, lahat sila magaganda ang ngiti lalo ang magiging kasama namin sa departamento, siempre ba naman tatlo ang magiging dagdag na tao sa kanila, hehe. Isang mahigit singkwenta ang bisor namin, sumunod ay mahigit kwarenta ang edad na syang magiging partner nung isa kong kasama at yung panghuli ay isang tatlumpong taong gulang (sing edad ko lang... nuon), na siya namang magiging partner ko. Ang isa ay inilagay sa ibang pwesto.



Unang araw sa trabaho, pinagpintura kami ng bakal na kung para saang parte ng backhoe ay hindi namin alam. Medyo magaan lang naman pala ang trabaho natin, sambit namin sa bawat isa. Inabot ng bago mag tanghalian ang pagpintura namin. Sabi ng koreanong isa, aba parang hindi daw kami mga bago, mabibilis ng kumilos. Pasikat lang, kasi unang araw.



Noong hapon na ay isinama na kami sa makina ng kasamahan naming pinoy, itinuro ang mga basic na gagawin. Natapos ang maghapon, porke't trainee palang ay nasabi naming madali naman pala. Sumunod na linggo, medyo matindi na ang tinuturo sa amin. Ang pagseset na ng isasalang sa makina. Meron binubuhat, iyong pininturahan namin. Mabuti at magaan lang, 27 kilos ang isa. Apat na piraso ang isasalang sa isang pasadahan ng makina. Bale labing anim na buhatan sa isang salang. Anim kami katao sa apat na makina kasama na ang bisor namin, kaya maluwag pa naman kahit papaano. Ayos ito, sa isip ko. Madali pala. Habang tumatakbo pa ang makina at walang papalitan ng salang ay pwede pang maupo. Magaan lang pala. Nakakagulat lang simula ng lunes, alas 12 ang out, pagkatapos alas 10 na sa mga sumund na araw.



Matatapos na ang isang linggo, sinabi na sa amin na magyayagan chugan na kami. Ano yun? Pang araw at panggabi daw, bale 2 katao sa gabi, 4 katao sa araw kasama ang bisor. Ah yun lang pala, kaya ito.



Nag umpisa ng lunes, sumunod na linggo. Panggabi na daw ako, waaaaaaaaaaa. Ano kaya ang magiging buhay ko, pero excited pa rin.



Naging magaling naman sa pag aalalay ang kasama kong koreano. Kaya kahit mas mabilis na dapat ang kilos di pa rin gaanong nakakapagod. Iyon pala, sinabihan na bagalan na ang makina pagkatapos ng tanghalian sa hatinggabi. Natapos ang isang linggo na ok lang naman pala.



Sumunod na linggo, pang araw naging mas magaan dahil sa may kasamahang pinoy. Araw araw kailangan lalabas ng alas 10 o mahigit pa. Masarap kasi madaming OT, tutal sakripisyo din naman pag nasa container dahil sa lamig kaya ok lang.



Nang pagkabalik sa panggabi, pangatlong gabi noon, naramdaman ko na sumakit ang balikat ko at hindi ko maitaas ang buong kamay ko. Masakit na umabot na kailangan kumuha ng salonpas na malaki para ipasak sa likod ko. Umpisa na pala ng pahirap. Unang pumasok sa isip ko, matapos ko lang ang anim na buwan pwede na akong umuwi. Siguro naman ay mababawi ko na ang ginastos ko at bayad na ang mga utang ko.



Pero, matindi ang kasamahan ko. Papasok na ulit sila sa panggabi, mag iisang buwan na kami noon sa trabaho ay biglang nagpaalam na uuwi sya. Pinapauwi na daw sya ng kapatid nya. Madami syang dahilan, ang totoo pala, nahirapan na. Nagpaalam na uuwi dahil namatay daw ang tatay nya, pero 3 taon na palang patay yun. Mabait naman ang amo namin kaya pinayagan sya at tinanong pa kung babalik pa uli. Pero umayaw na sya.



Kung hindi lang sa pangangailangan, naisip ko, uuwi na din ako. Mahirap pala talaga, masakit sa likod, sa balikat, sa kamay. Masakit din matulog sa tindi ng lamig. Pero sabi ko, 6 na buwan kakayanin ko.



(itutuloy.... pagod na ang utak ko sa pagrecall ng mga pangyayari.. hehehe)

4 comments:

  1. Good Story...interesting, "Hintayin ko ang mga susunod na mangyayari" don't get tired sa pag-gawa ng mga bagay na makakatulong sa kapwa nating mga kababayan, lalo na sa mga magsisimula at napa-plano makipag sapalaran sa magandang kinbaukasan ng mga mahal natin sa buhay. sa ka-da isang impormasyon na ibina-bahagi mo, marami ang natutulungan mo upang maging handa sa ha-harapin nilang kinabukasan sa buhay "ABROAD" .

    ReplyDelete
  2. hi lucky, salamat sa encouraging words.. tama ka, marami kasi ang nakikipagsapalaran sa malayong lugar para maiangat ang antas ng buhay ng bawat pamilya, ngunit hindi alam kung ano talaga ang kahihinatnan... sa munting naibabahagi kong kwento ay sana mapulutan nila ng aral at inspirasyon para sa kanilang pakikipagsapalaran bilang OFW.. tnx ulit

    ReplyDelete
  3. Salamat sa napaka inspiring na kwento chingu. Basta para sa pamilya tiisin mo talaga ang hirap. Kaya ako dito pa sa pinas hindi ako nawakan nang pag-asa nung na rejected yong ccvi ko, nakakadismaya pero kapit parin ako ne God. Ginawa na namin ang lahat. Pa advice naman po mga chingu.Salamat

    ReplyDelete
  4. Sino pede ako tulongan dyan mag ka work sa korean gusto ko mag TNt hirap kasi gusto ko matulongan family ko

    ReplyDelete