Saturday, September 1, 2012

PASIMULA

Buhay Korea, masarap nga ba? Bakit kaya madami pa rin ang nag aapply papunta rito?




Masarap na mahirap ang buhay dito, sa dami na ng nakausap at nakilala ko mula sa mga legal hanggang sa mga artista lahat sila pare-pareho ang sinasabi.

Tinanong ko ang ilan tungkol sa plano nila pagkatapos ng mahabang pagtatrabaho dito, meron nagsasabi na mag iipon lang sila at pag nakaipon uwi na magnenegosyo nalang.


Ako ganun nga ang ginawa, sa awa ng Diyos sa unang punta ko nakaipon naman ako ng malaki laking pera, kundi pa sana bumagsak ang dolyar (nakadollar ang savings account ko nun) at ang won lagpas milyong piso  sana ang maiuuwi ko. Pagkauwi ko ng Pinas, nag umpisa ng maliit na negosyo pero nalugi. Tama nga silang mga dalubhasa na dapat may pagkukuhanan ka na ibang income bago ka magnegosyo. Kaya napilitan mag apply uli pabalik, isang taon mahigit pa bago napili ng employer, buti nalang at may call center sa pinas na tumaggap kaya nakapagtrabaho pa.

Eh pano naman kaya yung iba, ang walang maisip na plano pagkatapos dito sa Korea? Lalo na yung umaasa na yung Kukmin nila ay ang kanilang magiging ipon pagbalik ng Pinas. Sabi nila bahala na si Lord. Kung hindi tatakas, magbabaka sakaling mag apply ulit pabalik dito.

Madami ang walang plano, mas madami ang ganito dito, kahit ako na nag iipon nuon wala talaga akong konkretong plano pagkatapos ng paghihirap sa pagbubuhat ng bakal, sa pagtitiis sa sigaw at mura ng mga Koreano, sa pangungulila sa pamilya, di ko talaga naisip kung ano talaga ang plano ko pag natapos ko ang kontrata ko.

Wala din akong alam kung magkano talaga ang gusto kong ipunin, basta magtatrabaho lang ako, magpapadala sa mag ina ko, sa nanay ko, at mag ipon ng kaunting pera, pinakamasarap sa lahat ang gumastos. Bili ng kung ano ano, gala, inom, bar. Sabi pa nga ng kaibigan kong 15 years na sya nung 2008 dito sa Korea, kelangan daw namin mag enjoy dahil sa hirap ng trabaho dito. Pero nung nahuli siya, nagmamakaawa na sana may tumulong makabili sya ng tiket kasi mahirap makulong sa selda ng immigration ng matagal lalo at ang sasahurin nya ay kulang pa sa pambili ng tiket nya pauwi. Nagsisisi daw sya at sana daw ay nag ipon sya noon pa. Kahit man lang daw pamasahe nagtira sya. Ang masaklap pa, dahil may edad na, pagdating sa Pinas walang makuhang trabaho, wala din naman maipang apply sa ibang bansa, nanghingi ng tulong sa mga kaibigan dito sa Korea. At sa awa ng Diyos, nakalikom din ng pang apply ng saudi at ngayon nandun sya.

Isa sya sa mga naging halimbawa ko noon, ginamit ko ang naging kapalaran nya para hindi maging ganoon ang takbo ng buhay ko. Nakaipon naman ako pero nagkamali din sa paghawak ng perang naipon ko. Pero di pa naman huli ang lahat, sa tulong ng Diyos, nakabalik ulit sa Korea at sa Kanyang gabay ngayon, ako'y mag iipon, mag aaral ng mga tamang pamamaraan sa pagpapalago ng pera, sa pagnenegosyo, at ang kaibahan pa, imbis na inom, bar at kung ano ano pang bisyo, ang makatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa trabaho at pagpapapalaganap sa mga kababayan ko tungkol sa matutunan ko sa pagtitipid at pagpapalago ng pera ang naisip kong gawing bisyo.

Kayo, mga kabayan, naisip nyo na ba kung ano ang gagawin nyo pagkatapos ng paghihirap dito?








No comments:

Post a Comment